Tags

, , ,

Ipagpaumanhin mo ang Filipino ko. Hindi ako masyadong sanay magsulat sa sarili kong wika.

Alam mo, hindi ko alam kung magpapasalamat ako o magagalit sa iyo. Ang alam ko lang, pagod na pagod na ako sa ginagawa kong pagpilit sa sarili ko sa mga taong hindi naman kaya ibalik – hindi kaya, at hindi pwede – ang nararamdaman ko. At ano ba nararamdaman ko? Pagibig? Dati. Pero ngayon? Pagod, puyat, pagal – paulit ulit na lang ako nagpapakatanga. Heto na nga ako, nagsimulang magbago. Pinili kong talikuran lahat ng nakasanayan ko, lahat nang kung sino ako, lahat nang mayroon ako. Pinili ko magbago dahil pagod na pagod na ako sa sakit at sugat, sa hapdi at parami ng parami na peklat. Ang pangit ko na. Ang pangit, pangit na ng puso ko. Sawang sawa na ako magmukhang gago.

Gusto ko lang naman ng kasiguraduhan. Sabi nung kaibigan ko hinding hindi mo daw kaya ibigay yun. Hindi ka aamin. Hinding hindi. Pero ano nga ba ang kailangan mong aminin? Paano kung wala naman talaga? Paano kung, ako lang naman pala tanga? Hindi naman na nakapagtataka. Tanga ako. Mabilis maniwala. Mabilis mahulog. Paano, kulang sa pagpapatibay mula sa kapwa lalaki. Kaya ayun, tuloy, kaunting pagpansin lamang, akala niya pagibig na.

Pero kung tama man ako, at sa pambihirang pagkakataon hindi naman pala ako tanga na umasa, pwede mo bang aminin sa akin, ng matahimik na ako? Kasi gustong gusto ko na magbago. At ikaw na lang ang pumpigil sa aking mga paa.

Advertisements